Nakadudurog-Pusong Kuwento Ng Lola Sa Kanyang First Love Noong January 30, 1966, viral sa Facebook

Nakadudurog-Pusong Kuwento Ng Lola Sa Kanyang First Love Noong January 30, 1966, viral sa Facebook


Viral ngayon sa Facebook ang isang nakadudurog pusong kuwento ng isang lola at ng kanyang unang pag-ibig, na sa isang iglap ay nawala na lamang sa kanya. Ibinahagi ni Erika Mae ang Balagtas tungkol sa pagkakatuklas niya sa talaarawan ng lola niya na si Fely Fajardo.
“So two days ago, umuwi ako sa bulacan.
Tapos nakita ko ‘tong diary ng Lola ko. Grabe, sakit sa puso,” ani Balagtas. Kasama sa mga makikita sa post ang sinulat ng kanyang lola noong January 30, 1966, na tungkol sa isang sundalo na minahal niya nang labis ngunit kinailangan niyang kalimutan.

“Masakit gunitain ang nakaraan ngunit sa pagkakataong ito’y ibig kong ibahagi ang aking kasaysayan upang kahit bahagya man lang ay mabawasan ang aking pagdadalamhati. Ito’y kasaysayan namin ni Tasing, ang lalaking bukod tangi kong napag-ukulan ng lahat ng aking pagmamahal,” kuwento ni Fajardo.
Taong 1960 noong nakilala niya ang binata sa Bataan. Nagtatrabaho siya noon sa isang reforestation project at nakatira sa mga amain na kasama niya sa trabaho. Tatlumpung taong gulang na ito noon habang siya ay 19 anyos. Isang araw ay nakatanggap siya ng liham mula sa binata at doon na nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Pagkalipas ng dalawang taon ay naging magkasintahan ang dalawa.



“Natutuhan ko na rin s’yang ibigin. Pag-ibig na sa kanya ko lamang nadama sa aking buhay. Kaya’t nang dumating ang Valentine’s Day ng taong ito ay sinagot ko na s’ya,” ani Fajardo. Lumipas pa ang mga taon at nauwi rin sa pagpaplano ng kasal ang lahat.
“Itinakda ang aming kasal. Enero 15 ng taong papasok, 1966, military wedding. Sa isang tanyag na restaurant ang handaan. Sa Baguio ang aming honeymoon at magbabakasyon sa kanila sa La Union. Bago kami ikasal ay nagbakasyon ako sa tiyahin ko sa Tarlac, upang makapamasyal ako sa Camp Aquino.
Dalawang linggo ako roon, anong ligaya ko roon! Ipinasyal niya ako sa kampo, ipinakilala sa mga official doon,” pagbabahagi niya. Disyembre 19, 1965 noong bumalik si Fajardo sa Maynila. Ipinangako ng kanyang mapapangasawa na bago mag-Pasko ay luluwas siya ng Maynila upang makakuha sila ng marriage contract, mamili ng damit pangkasal, at magpapagawa ng invitation.

“Pinanabikan kong muli ang kanyang pagdating. Ngunit gayon na lamang ang aking pag aalala ng sa halip na s’ya ang dumating ay isang telegrama ang dumating: ‘Lt. Morales sick confined army hospital,'” wika niya. “Enero 9, gumagayak na kami para sa muli kong pagdalaw sa kanya nang may dumating na sundo sabi, ‘Lt. Morales pass away.’ Hindi raw s’ya nakaligtas sa operasyon.



Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Nagsisisigaw ako sa malaking sama ng loob. Gayon na lamang ang aking iyak. Pagkaraang malampasan namin ang maraming hadlang, pagkaraan ng apat na taon, ay saka pa ito nangyari. Ibig kong mamatay na rin noong mga sandaling iyon,” aniya. Sa huli, walang nagawa si Fajardo kung hindi tanggapin na ang buhay na ito ay hindi para sa kanilang dalawa.
“Sa itinakdang araw ng aming kasal sya ay hinatid namin sa kanyang huling hantungan. Hindi ko maipaliwanag ang sama ng loob ko lalo pa’t nakikita ko ang aking kasuotang itim na itim, na sa halip sana ay puting wedding gown. na sa halip na military wedding ay military funeral ang ginanap,” wika niya.

“Bagamat s’ya ay pumanaw na, ang kanyang mga alaala ay mananatiling sariwa sa aking gunita. Ang kanyang pagmamahal sa akin ay kailanman hindi ko makakalimutan. At sa kanyang pagpanaw ay tanging naiwan sa akin ang ‘wedding ring’ na hindi na n’ya nahintay masuot sa akin,” dagdag pa niya. Kuwento ni Balagtas, “Nakapag-asawa naman po ‘yong lola ko, kaso after 10 years tsaka s’ya nakasal sa lolo ko.”
Mahigit 54,000 na ang nagbahagi ng kuwentong ito na humaplos sa puso ng marami; isang kuwentong may aral pagkat nagpapahalaga sa tunay na pag-ibig.

Narito ang buong kuwento ni Lola.




No comments:

Contact Us

Name

Email *

Message *

Loading...